Ang Aking Pamilya

Ang aking Pamilya

Tula ni Julie Ann F. Rosario
Sa mundong ito, simula nang ako’y mabuhay,
Ang mga magulang ko ang aking taga gabay.
Sa mundong puno ng lungkot at problema,
Hindi nila ko hinayaang mag-isa at walang kasama.
Sa loob ng labing-anim na pagkabuhay ko sa mundo,
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko.
Mula sa araw ng aking pagsilang, sila’y nasa tabi.
Hindi nila ko hinayaan hanggang sa ako’y lumaki.
Laking pasasalamat ko sa kanilang pag-aalaga
Pagkat ako’y lumaki nang maayos at may kwenta.
Kapag may problema, laging nariyan para umalala
Dahil sa ako’y mahal at anak nila.
Bilang isang anak, hindi man ako perpekto.
Ayos lang dahil sila nama’y mahal ko.
Hindi ko man ipakita ang pagmamahal na ito
Alam kong nararamdaman ito ng kanilang puso.
Salamat sa inyo, aking ama’t ina.
Sa walang sawa niyong pagsuporta.
Alay ko sa inyo ang matatanggap na medalya,
Kapalit ng inyong maayos na pag-aaruga.
Kay sarap pagmasdan ng masayang pamilya,
Si ama’t si ina’y responsable sa tuwina
Ang Diyos ang sandigan sa tuwi-tuwina.
Mga anak pinalaki nang may takot sa Diyos,
Tinuruang gumawa, magpawis at mapagod
Pagkat puhunan daw iyon sa paglaking lubos.
Edukasyon ng anak ay itinaguyod
Kahit na mangapal ang palad sa pagod
Basta sa pamilya ay may maitustos.
Di nag aaway sa harap ng supling,
Kapakanan lagi ng anak na hirang ang nasa at pansin
At pagmamahalan ang laging inaangkin.
Ngayon ako’y malaki na at ang aking magulang ay matatanda na,
Ako naman ang magsisilbing kanlungan nila.
Dahan-dahang susuklian ang mga kabutihan,
At di magsasawang sila ay pagsilbihan.

Comments